Dugo at Utak
Akda ni Cornelio S. Reyes
Isang iglap na pagitan ng buhay at kamatayan. Isang iglap mula sa pag-igkas ng mabilis na kableng gabisig at sa paghampas nito sa bungo ni Korbo. Isang iglap ng abot-langit na sigaw ng pagtutol ng kanyang utak na sa loob ng isang iglap ding yaon ay pira-pirasong nakalat sa lapag ng ikiran ng balot-bakal n kable.
Ang utak ang kalaban ng aking mga pangarap, ang buong aklat ng aking buhay. At doo’y lagi kong iniingatang huwag muling mabuklat ang mga dahon ng aking mga kalungkutan.
Ang utak, ang mga matang nakamalas ng iyong kagandahan, ang mga taingang nakarinig ng mga pagtatapat ng iyong pag-ibig, ang mga ilong na nakasamyo ng iyong bango, ang mga labing nakadama ng init ng iyong mga labi. Ang utak ang mga bisig na ng tuturo sa iyo sa sutlang hiligan sa tapat ng aking puso at nagbuhol sa ating dalawang katawan upang tayo’y maging kaisa ng lupa at langit , ng mga bituin at ng santinakpan.
Isang iglap, at ang nasambulat na dugo at pira-pirasong malagkit, malambot at abuhing ay mga bagay na wala nang kahulugan. Kalat na wawalisin at itatapon sa tapunan ng mga dumi.
Sa isang iglap, mula nang nakita ni Korbo ang pag-igkas ng kableng may dalang kamatayan para sa kanya at hanggang sa yao’y kanyang madama, ay isang kidlat ng pagtututol ng kanyang buong pagkatao ang gumuhit sa kanyang utak. Isang iglap at parang kislap ng gumuhit at nahalo sa kanyang utak ang ligaya, ang lungkot, si Karelia, ang inangkin niyang anak, si Dando, upang magwakas ang lahat sa isang maapiy at nakakabulag na liwanag.
Huwag! Hintay, Maginoong Kable. Ito’y hindi nararapat! Ito’y walang katarungan!
Hindi malalao’t parururok na ang araw. Napapaso ang init.
Walang namamalas kundi ang malayong abot ng karagatan sa bawa’t panig, ang wari’y maninipis na anino ng di-maabot-tanaw na ilang pulo, ang bughaw na langit, ang pilak na alapaap.
Mabanayad na nililikom ng babor-kable Apo, ang mga sirang kable sa kailaliman ng dagat upang ayusin yaon at muling itatag, at nang muling magkaugnay ang mga lungsod Maynila, ng Sebu, ng Iloilo, ng Zamboanga, upang muling ihinang ng pag-uunawaan ang mga pulo.
At ang kable’y mabanyad na hinihila ng makina sa ibabaw ng kubyerta at inihuhulog sa kailaliman, sa dilim ng tiyan ng bapor.
Dalawampu sila sa dilim ng malalim na balon-tangkeng ikiran ng kable. Dalawampu sila, at isa-isa, hali-halili, pagdating ng bawa’t takda ay lumalapit sila na gaya ng isang panata sa walang patid na dating ng gabisig at balot-bakal na kable. At ang bangis nito, ay tigas at bigat, ang matutol sa pag-igkas at paghampas na may dalang kapangyarihang lumuray at magwasak sa bawa’t tamaan ay sinusupil nila ng kanilang dalawang bisig at iniikid hanggang sa yao’y maamong mailapag at mabanayad na maiayos sa ikiran ng kanilang tinatapakan.
At ang kanilang isa-isang paglapit sa kable at walang patid na payukod na pagligid sa tangkeng yaon ng kadiliman ay waring isang pagsamba sa isang mahiwagang Bathala.
Dalawampu sila,at ang galit na laman ng kanilang mga bisig, katawan at hita ay masakit ay halos pumutok sa walng hintong pagtutol sa hapo. Ang kanilang mga baga ay halos napupunit sa walang humpay na paghingi ng hangin at hanging waring walang kasapatan.
Samantala, ang kanilang mga kamay na mahigpit n ikinakapit sa kable ay maga sa dugo ng maraming sugat n ulit-ulit na hinihiwa ng mga talaba sa balat ng kable. At ang mga sugat na yaon ay sumisigaw sa hapdi at kati ng sarisaring lasong nagmumula sa ilalim ng dagat.
Pagkatapos ng turno ni Korbo ay sabik na minalas niya ang parisukat na piraso ng langit na nakikita mula sa siwang sa kubyerta na pinagmumulan ng walng patid na dating ng kable. Ang kaluluwa niyang kaluluwa ng isang pintor ay uhaw n umiinom sa piraso ng langit na yaon na siyang tanging kagandahan sa dilim ng libingan ng ikiran.
Dalwang lingo nang hndi lumalapit ang bapor-kable Apo sa lupa at dalwang lingo nang si Korbo at ng kanyang mga kasama ay namamahay sa ilalim ng kubyerta.
Dalawang lingo sa dilim at sa pagtutol ng katawan at kaluluwa sa pagkaalipin sa kable. Dalawang linggong kasinghaba ng dalawang dantaon.
Natatakot ako na baka hindi n marunong gumuhit ang aking kamay.
Natatakot akong nalimot ko na ang kulay ng mga halaman at mga bulaklak, ang kulay ng dagat, ang kulay ng lupa. Natatakot akong nalimot ko na ang mga damdam ng init ng araw sa aking katawan, ang damdam ng hanging sa aking mukha at sa aking buhok.
Pumitpitlag ang aking puso sa kaba nab aka hindi ko na kilala ang iyong kagandahan, ang dama ng iyong labi sa aking mga labi.
Paano’y kung mawawala ang lahat ng kagandahang ito at mamatay ang kaluluwa at hindi na muling guguhit pa ana aking mga kamay. At ang buhay ay magiging isang tunay na
Sa wakas ay dumaong din ang bapor-kable Apo.
At aang kalawakan ng langit ay hinigop ng uhaw na kaluluwa ni Korbo na matagl ding nagtiis sa kapirasong dulot ng siwang sa kubyerta.
At sa isang tindahan ay maluwat niyang minamalas n nagingiti ang isang kuwintas na may palawitn isang maliit at mahiwagang Bathala na di niya kilala.
“Magkano po?” ang tanong sa lumapit na tao ng tindahan.
Sinabi sa kanya ang halaga.
“Kung may sapat lamang akong ibabayad,” ang sabi ni Korbo.
“Iyan po ay hubog sa lantay nag into. Hindi mahal.”
Tuluyang natuwa si Korbo.
“Kasasabikan po iyan ni Karelia,” ang kanyang sabi. At nang mamalas ang hindi pagkaunawa sa mata ng kausap: “Ang akin pong asawa ay mahilig sa pagtitipon ng maliliit na ikit ng iba’t ibang Bathala. At hindi po ba makikiliti ang madilat ay mahiwagang mga mata ng maliit na Bathalang iyan na wari bagang ibig saklawin sa isang tinig ang lahat nang namamalas sa buong santinakpan?”
Ang nagtitinda naman ang napangiti. Nakatatawa ang namimiling ito. Ano ang ibig sabihin?
Nasa ginto lamang ang halaga ng kuwintas na yaon. Pangit na pangit ang palawit.
“alang-alang sa kakatuwang ugali ng inyong asawa, sa kalahati lamang ng talagang halaga‘y ibibigay ko na sa inyo.”
Binilang ni Korbo sa isip ang laman nag kanyang lukbutan.
“Balutin lamang ninyo agad bago ako makapag-bagong isip.”
Walng anuman, ang sabi sa sarili. Matutuwa naman si Karelia sa pasalubong na yaon.
Pagkatapos maihanda ang lahat at pagkatapos idugtong sa dalampasigan ang unang dulo ng naayos na kable, ang babor-kable Apo ay mabanayad na naglayag sa “paglalatag” tungo sa kabilang pulo.
Pagkatapos ng “paglalatag” ay babalik na sa Maynila ang bapor.
Banay-banay at maingat ang paglalayag sapagka’t kailangang bagayan ang makina ang kubyerta n humihila sa kable mula sa tiyan ng bapor at nagtutulak doon sa karagatan.
Ang lahat ng babala sa panganib ay nahanda. Ang tatlong putol-putol na babala ay nangangahulugang dapat ihinto ang lahat ng makina.
Dalawampu sila sa tangke ng ikiran. At bawa’t isa’y maingat na umaalalay sa kableng hinihila ngayon sa itaas mula sa lapag na kanilang tinatapakan.
At apatnapung mata ang nakahinang sa bawa’t tabo ng paitaas na lubid na bakal.
Ngunit mayroong nagkamali, mayroong nagtamad noong una sa pag-iikid pa lamang ng kableng yaon, mayroong hindi naging maingat.
Pumitlag ang kable at dalawang bisig ang halos nawalat mula sa kanilang kasukasuan.
Sa apatnapung mata ay apatnapung kulay ng sindak at pagkatakot ang nalarawan.
Tatlong putol-putol na babala! Uli! At uli! At uli!
Panganib! Panganib! Ihinto ang lahat ng makina!
Humampas ang kable at naluray ang isang bungong nagkalat ng pira-pirasong utak sa lapag ng ikiran.
Huminto ang lahat ng makina. Nagsiki ang lahat sa katahimikan. Ang buong kahabaan ng kableng wari’y naubusang bigla ng lakas ay maamong nabitin ay ngayo’y wala nang panganib.
Nakita ni Korbo ang pagpitlag niyong kable. Nang ihampas ang buong kahabaan niyon ay namalas niya ang parang kidlat na pagdating na tungo sa kanya.
At sa loob ng isang iglap n yaon mula sa pagpitlag hanggang sa madama ang diin ay isa-isang nabuklat sa kanyang utak ang buhay nila ni Karelia.
♦♣♦
At ang larawan ng buhay na yaon ay abot-langit n pagtutol ng kanyang kaluluwa.
Huwag! Hintay, Maginoong kable! Tinagnan kung ito’y marpat, kung ito’y may katarungan.
Sa paglubog ng araw ay parang napupunit ang buong ng-aapoy na kalangitan.
Natigil ang buong daigdig: ang malalaking tipak ng alapaap. Ang mga halaman. Ang tahimik na dagat na inuulit na salamin ng kanyang kalawakan ang paghihimagsik ng langit.
Naabutan na ni Korbo si Karelia sa kanilang tipanan. Nakaupo ito sa isang malaking bato at minamalas ang maliliit na along gumagapang sa buhanginan.
Nang masdan niya ang mukha niyon ay nakita niya ang lunkot at nabakas niya ang ilang pinahid na luha.
Umupo siya sa tabi ni Karelia at minalas ang nagbabagang araw na kumakabila na sa maitim na bundok sa dako pa roon ng malawak na tubig.
“Kung gayo’y alam mo na,” ang kanyang sabi. “hindi ako natanggap sa pagawaang itinuro mo sa akin. Totoong marami ang walang hanapbuhay. Kayrami naming pumasok gayong isa lamang ang kailangan”
“Hindi ko alm,” ang sabi ni Karelia. “Nguni’t alam kong wala kang loob sa gayong Gawain. Alam kong nasa pagpipinta ang iyong isip. Inaalaala ko na unti-unti mo lamang ngangatngatin ang iyong puso kapag natanggap ka sa gawaing yaon.”
“A, nagalit ka na sa akin, Karelia, gayong hindi ko naman kasalanan ang pagiging pintor ko. Kasalanan bang makadama at makakita ng kagandahan at ibigin ng buo kong pagkatao na iguhit yaon upang Makita at madama naman ng iba? At kung tinatawanan man ng marami ang gayong gawain sapagka’t hindi ko maibibili ng bigas ay hindi nangangahulugang nasa kanila ang katotohanan. Kung ang bigas ang ituturing ngayong pinakamahalagang bagay, iyan ay hindi bunga ng katunayan kundi ng laganap na karalitaang dulot ng tinatawag nating kaunlaran. Ang kagandahan ay isa sa mga halagang niwawalan natin ng kahulugan. Ang pag-ibig ay isa pa.”
Siya’y napatawa.
“A, nagsesermon na naman ako. Ikaw kasi. Sinalang mo na naman ang kinagigiliwan kong diwa”
Unti-uting nawawala ang mapulang araw.
“Korbo,” ang sabi ni Karelia “natatakot akong hindi sapat ang pagakain ng aking kapatid. Si Pepe ay may-sakit na naman. Tanong maliit ang naitutulong ko sa kanila. Ang Tatay ay nawaln na naman ng gawain.”
Maliit na bahagi na lamang ang nakaungos sa araw.
“Korbo,” ang sabi ni Karelia. “dalawang taon nang tayo ay magkatipan. Kilala mo si Dando. Nagtapat siya ng pag-ibig sa akin.”
Lubusan nang lumubog ang araw sa unti-unting lumalaganap ang dilim.
“Iniibig mo bas a Dando?” ang tanong ni Korbo.
Sa kaunting banaag ng liwanang na nalalabi pa ah namalas niya ang paglaganap ng dugo sa maliit na ugat ng mga pisngi ni Karelia.
“May sapat na kakayahang tumulong sa aking mga kapatid si Dando,”ang sabi ni Karelia.
“May sapat na kakayhaang mag-asawa si dando.”
Nadama ni Korbo ang sampal na sagot sa sampal na tanong niya.
“Laganap na ang dilim,” ang sabi ni korbo. “baka inaantay ka na ihahatid na kita.”
“Huwag na. Magtatrambiya na lamang ako” ang sabi ni Karelia.
♦♣♦
Isang iglap sa pagitan ng buhay at kamatayan. At ang dahon ng alaala ay matulin at baha-bahaging nabuklat sa kanyang utak.
Nang mawala si Karelia ay waring nawalan ng kahulugan sa kanya ang buhay. Waring namanhid ang kanyang pandamdam. Nawala ng kagandahan sa kanyang daigdig.
Ang mga bulaklak ay hindi na mga tainmtim na panalangin. Ang mga kislap ng bituin na ulit-ulit na pagtatapat ng pagibig.
Ang damit sa huli niyang kuwadro ay naluma sa taguan na di nakadama ng isa mang kulay sa guhit ng pinsel.
♦♣♦
Matulin ang agos na malinaw sa tubig na kumikislap sa mga batuhan sa tiyan ng mababaw na ilog.
Isang babae ang naglalaba sa tabi nito. Nakilala ni Korbo si Karelia.
Sa pampang sa lilim ng mga kawayan ay saglit-saglit na inaabot ng tanaw ni Karelia ang isang papag ng batang may kulong at tinutulungan ng isang pasusuhin.
Nilipat ni Korbo ang papag at maluwat at pinagmalas ang nakawiwiling natutulog na sanggol. nang balingan niyang muli ng tanaw si Karelia ay nakita niyang nakatigil ito sa paglalaba at matamang nakatitig sa kanya na waring ayaw pang maniwala na siya ay naroroon.
Nakangiting lumapit siya kay Karelia. Umupo siya sa isang bato, inalis ang kanyang balanggot at pinahid ng panyo ang pawis ng kanyang noo.
“Napakalayo naman sa bayan ang inyo ng nayon,” ang sabi ni Korbo. “Napagod ako sa kakahanap.”
Pinagmasdan niya ang kanyang mga sapatos na namumuti sa alikabok. Maybutas na ang swelas ng isa niyon. Itinapak niya upang di makita ni Karelia.
“Paano mong natutuhan ito?” tanong ni Karelia. Nakita ni Korbong hindi nalingid kay Karelia ang inililihim niyang ssira ng kanyang sapatos.
“Itinuro sa akin ng iyong kapatid ,” ang kanyang sabi.
Ibig niya ang mga mata ni Karelia. Malalim at mahiwaga ang mga itim niyon.
“Nang mabalitaan kong ikinasal si Dando ay pinuntahan kita,” ang sabi ni Korbo. “Ang sabi ng iyong kapatid ay sinaktan ka at pinalayas ng iyong ama.”
“Sumulat ako sa iyo makailang araw na tayo ay magkagalit,” ang sabi ni Karelia. “Tumungo ako sa inyong tinitirahan. Lumipat ka na at hindi mo raw sinabi kung saan.”
“Pumasok akong manggagawa sa bapor na nag-aayos ng kable sa Bisaya at Mindanaw. Sa kapaguran ng aking mga laman at katawan ay naari kong limutin ang aking mga alaala.”
“Sa aking sulat ay sinabi ko na may mga sandal, kung tayo ay magkakasama, na wari bang nakasisilip ako ng kaunting banaag ng kahulugan ng buhay,” ang sabi ni Karelia na tila ibig tawanan ang kanyang alaala. “Sinabi ko sa mga sandaling yaon ay napupuno ako ng damdaming ang buhay ay may halaga lamang sapagka’t ikaw ay naroroon.”
Patulooy ang pagkusot ni Karelia sa damit na nilalabhan. Matingkad ngayon ang kulay ng kanyang mga pisngi. Sa nalaylay na liig ng kanyang baro ay nakalabas ang kanyang balikat na pinamumula ng sikat ng araw.
♦♣♦
Halos hindi na maabot ni Korbo sa alaala ang bahagi ng kanyang buhay na hindi kinaroroonan ni Karelia. Sa palagay niya ay nangyari yaon bago pa nilalang ang daigdig.
Sa wari niya ay simula pa lamang noon ng daidig nang may isang dalagang lumapit sa kanyang pagpipinta at nagugulumihan ng nagmasid sa iginuguhit ng kanyang pinsel.
Nasa isang ilang siya noon. At ang dalaga ay hininuha niyang kasama sa isang piknik.
Pagkatapos ng matagal at pilit na pag-unawa sa kanyang kwadro ay bumaling sa kanya ang dalagang nagingiti.
“Ang kawayanan po bang yaon ang inyong pinipinta?”
“A, nahulaan din ninyo sa wakas,” ang sabi niyang tumatawa.
“Patawarin ninyo po ako,” ang sabu, “Ngunit bahagya nang makilala ang inyong mga kawayan at ang namamayani sa inyong kuwadro ay ang mahihiwagang kulay na pilit ko mang wariin ay hindi ko makita sa mga puno ng kawayan yaon.”
Lalong natuwa ang kanyang kalooban.
“A, kung kayo lamang ang maaaring lumagay sa kinalalagyan ko ngayon at Makita at maipinta ang pilak ng kislap at lalim ng itim ng inyong mga mata, ang rosas ng inyong mga pisngi at ang pula ng inyong mga labi, ay di maniniwala n asana kayong ang kulay pala ay may sariling wika na nauunawaan ng puso.”
Tumawa ang dalaga.
“Ang nauunawaan ko lamang ay ang ibang-iba at kakatuwang paraan ninyo sa pagsasabing maganda ang isang dalaga.”
Nagsabat ang tunog ng kanilang halkhak.
♦♣♦
Umiyak ang sanggol sa tulugan nito sa lilim ng mga kawayan sa pampang.
Iniwan ni Karelia ang kanyang nilalabhan at pinuntahan ang sanggol.
Binuhat at idinuyan sa kanyang mga bisig. Ngunit hindi tumigil iyon sa pag-iyak.
Sumunod si Korbo at hiningi ang sanggol kay Karelia.
“Bayaan mo ako,” ang kanyang sabing nakangiti at inabot ang sanggol.
Ibinigay ni Karelia at tumigil naman yaon nang mahimlay sa lalong malalaking bisig ni Korbo. At tuluyan nang natulog na muli.
“Alis na muli ang aming bapor sa linggong darating,” ang marahan niyang sabi upang di magising ang dala niyang sanggol na di iniiwan ng kanyang tingin. “May inupahan akong bahay sa Maynila. Kung maghahanda ka ngayon ay aabot tayo roon bago dumilim. Bukas ay maari tayong pakasal.”
♦♣♦
Isang iglap lamang ang pagitan ng buhay at kamatayan. Sa loob ng isang iglap ay maaari kayang danasing muli ang buong buhay ng isang kinapal?
At sa bawat tilamsik ng sumambulat na utak ay maaari kayang piliin at pag-ugnay-ugnayin ang mga nagsasabi ng lungkot at ang mga nagsasabi ng ligaya upang sa nabuong larawan ay mabasa ang kahulugan ng buhay?
Sa kalat na mga utak ay napasama ang isang kuwintas nag into na may palawit na maliit at mahiwagang Bathala. Madidilat ang malalaking mata nito na wari bagang ibig sakupin sa isang titig lamang ang lahat ng makikita sa buong santinakpan.